Tuesday, July 08, 2008

Kape


Ang maghapo’y nauubos
Sa pagbibilang ng oras;
Hindi mapakali
Hangga’t hindi sumasapit
Ang takdang sandali
Hangga’t wala ang init na gumuguhit
Sa lalamunang sabik,
Hangga’t wala ang halimuyak
Na sintamis ng sampaga,
At hangga’t wala ang linamnam
Ng nag-aagaw-pait-at-tamis
Na sa dila’y kumikiliti.
At sa pagdating ng tamang panahon
Magigising ang diwang
Pinag-manhid ng pagkabagot,
Waring lupang tigang
Na nadiligan ng ulan,
At ngayon…
Matapos ‘hipan ang usok
Magsisimula na ang ugnayan
Magsisimula na ring bumagal
Ang mundo sa pag-inog
Matapos ang unang higop
Na puno ng sigla,
Mata’y ipipikit
At sa hangi’y pakakawalan
Ang damdaming nag-uumapaw sa tuwa
Na animo’y dalangin ang sambit
Pagka’t langit ay narating na.
Muling hihigop ng isa
At susundan ng ilan pa;
Pinananabikan ang bawat patak,
Pinakatangi-tangi
Ang bawat pangungusap
Ng labi at tasa.
At pagsapit ng wakas
Ng ginigiliw na tagpuan,
Saglit na matitigilan,
Titingnang maigi ang tasang walang laman,
‘Maari kayang ulitin pa?’
Sambit sa sariling puno ng pag-asam
Habang unti-unti
Umikot nang muli
Ang kamay ng orasan

No comments: